December 9th, 2004

Ang Pag-ibig ay Pagsusugal

"Every drop becomes the sea when it flows oceanward,
just as the soul ascends.."

-Angelus Silesius



Hinubad ko ang aking tuniko
Inalis ko ang aking sapin sa paa
Ibinaba ko ang aking riple
Tinanggal ko ang aking mga mata

Tumitig ang buwan sa akin
Habang sinisindihan ko ng takot
ang sukal ng dilim
sa dibdib ko.

Pumayag akong hagkan
ng isang estranghero
ang aking kaluluwa
at naglandas ang aming mga kamay,
ang aming mga labi, at kaangkinan
sa teritoryo ng bawat isa
nang may pahintulot
ng isa't isa.

Nagbuhol ang sinulid
ng damdamin sa dibdib ko
at natapong langis at pabango
ang dilim sa aking konsensiya.

Gusto ko lamang pumikit
at maglakbay sa karagatan ng malay,
walang hadlang, walang sukatan,
walang sangkalan.

Hayaan mo akong pumikit
na hindi kita nakikitang nakangiti sa akin,
na hindi ko naiisip ang iyong lambing:
Huwag mo akong suyuin sa aking panimdim.

Bawat patak ng luha ko ay aagos sa dagat ng kaluluwa mo.
Posted by markus01 at 06:49 AM | Add a Comment

‘Tonight I can write the saddest lines’

Track 20 sa koleksyong Veinte poemas de amor
ni Pablo Neruda, bersyon ni Makoy Dakuykoy
--bersyong "walang aray!"

...............................



Kaya kong magbitiw ng bitter words ngayong gabi.
Mag-scribble-skribulan halimbawa: "Ang gabi ay pilantod
at nangangalantutay, bugbog-sarado, ang mga bituin sa malayo.
Paroo't parito ang hangin at ngumangawang parang baka.

Kaya kong magbitiw ng bitter words ngayong gabi.
Labs ko sya, at minsan daw labs nya rin ako.

Sa mga gabing tulad nito, nilalamas ko sya sa aking kandungan.
Nilalaplap ko sya sa silong ng marvelous na kalangitan.
Labs nya ko, at minsan labs ko rin sya.
Panong di ko mamahalin ang malalaki't bilugan nyang mga mata--
parang pugita?

Kaya kong magbitiw ng bitter words ngayong gabi.
Imagine kong wala sya sakin. Ma-feel kong na-lost ko na sya.

Mapakinggan ko ang gabing OA, mas lalong OA dahil wala sya.
At ang talinhaga ay dumidila sa malay tulad ng hamog sa talahib.
Ano pa bang meron dyan, Ineng, kung hindi sya mapapasaakin?
Period. Sa malayo, may ngumangawa. Sa malayo.
Aburido ang multo ko sa pagkawala nya.

At para bagang nandyan lang sya sa tabi-tabi, hinahanap ko pa sya.
Hinahanap sya ng puso ko, kapag wala sya sa tabi ko.
Ang gabi ring ito'y ngkukulapol ng dirty white sa mga troso.
Hindi na kami ang dating kaming kami.

Hindi ko na sya labs, pramis, pero labs na labs ko sya dati.
Hinahagilap ng hininga ko ang hangin para bugahan sya.

Nilalaplap na sya ng iba, tulad ng paglaplap ko sa kanya.
Ang boses nya, ang seksi nyang wankata, ang for layp nyang mga mata.

Hindi ko na sya labs, pramis, pero medyo labidabs ko pa rin sya.
Maigsi lang ang lablayp ko pero ang makalimot,
sangkatutak na 50 golden years ang inaabot.

Dahil sa mga gabing ganito nilalamas ko sya sa aking kandungan,
Aburido ang multo ko sa pagkawala nya.

Kahit ito na ang last chance ko para magmaasim
at ito na rin ang huling chuminess ko sa kanya.


[Gud lak na lang.]
Posted by markus01 at 06:45 AM | Add a Comment

September 6th, 2004



Sagot ng Batis sa Alay ng Bato

Nangahas ang batong
ibigay ang buwan sa batis
ngunit ang sabi ng kasintahan,
ang hawiin mo ako
ng iyong prinsipyo
ay sapat na.



...............................


Lagi, Minsan, Kahit Kailan

Nasumpungan kong nakatali
ang aking mga paa
sa sangandaan ng kahapon at ngayon.
Kumakalat ang dapithapon
tulad ng dighay ng iyong kaluluwang
nagpatiwakal
sa aking alaala.
Ang mito mo'y natutunaw
sa liwanag ng aking mga mata;
ang buhay ko'y kalawakang natatapos
sa dulo ng isang buntonghininga.
Posted by markus01 at 10:04 AM | Add a Comment

August 24th, 2004

Sa Pagitan Natin

Habang nakalambong sa atin ang dilim
tinanong mo ako, ang ako sa loob ko
kung bakit kumakampay ang mga dahon
kung bakit umiiyak ang mga bato
kung bakit matamis ang halik
kung bakit mainit ang aking mga yakap
kung bakit nasumpungan mong nakatali
ang iyong mga kamay sa aking mga kamay
kung bakit nangyayari ang mga pangyayari
at nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan, at hindi sa atin
kung bakit mapangahas ang madaling-araw
at kung bakit umulan ng ako ay umalis.
Tinutop ng iyong mga daliri
ang mga hibla ng aking buhok,
ang aking mga kilay at pilikmata,
ang paligid ng aking mga labi
nagbabakasakaling makita mo ang sagot
sa lahat ng ito, mabasa sa anyo ng aking mukha
kung paano ko bitiwan ang aking takot
sa gabing katumbas ng isang libong gabi
na ikaw ang kaharap ko, at hindi sila
at ako ang kaharap mo, hindi isa man sa kanila.
Nagaganap ang kaganapan ng mga bagay
batay sa kanilang kahandaan
katulad nito, nagsasayaw man ang laksang
abo ng pagkalito sa ibabaw ng ating balikat
at nakikiusap ang iyong isip sa iyong puso
upang hindi mabuksan ang mga nakapinid
upang hindi mabaklas ang mga itinayong pader
gayong nakikita natin ang isa't isa
lagus-lagusan, sa pinag-isang kaluluwa.
Sinasabi ko sa iyo ngayon
na malalaman mo ang sagot kapag ikaw ay umibig.
Posted by markus01 at 07:46 PM | Add a Comment

July 20th, 2004

Willfully, I look for you

where do i find you, secret flower?
you come flying in my dream like a feather,
your fist is a sledgehammer beating me
breaking me and dismembering my memory
like a handful of sand dissolving in your hand.

where do i find you, secret leaf?
you come swaying in the wind like a dancer,
your eyes are the twilight of Death
waiting for me and piercing through my memory
like a knife of darkness covering your face.

where do i find you, mortal shadow?
you come sifting my ribs like a finger
your thoughts are the voices of angry comrades
marching in the streets, writing poetry
like a storm shaking the age with its might.

willfully, i looked for you inside this body,
this soul that spreads at a drop of fire.
you came to me and you found me trembling
did i invent you with my sorrow
or you took me in your breadth?
because your nails scratch my heart
and your florescence flare up my passion.

where do i find you, mortal lover?
if you exist inside me, then, willfully, you do not exist.
Posted by markus01 at 01:43 PM | Add a Comment
« | »