December 24th, 2005
Memorya
Patay na halos lahat ng mga ilaw.
Wala nang uniporme ang mga waiter.
Nakataob na sa mesa ang mga bangko.
Nagbibilang ng kinita ang cashier.
Baka kailangan ko na ring umalis.
Sa kabilang bar siguro siya naghintay.
Madilim na madilim ang daan sa labas.
Siya raw ang magdadala ng flashlight.
Tumayo ako at huminto sa tapat ng pinto.
Multo siguro iyong natatanaw ko sa malayo.
Hindi pa panahon para sumbatan ang mga bituin.
Trahe de bodang nagkawasak-wasak ang mga ulap.
Natutulog na siguro ang mga isda sa dagat.
Pumipikit na ang isang drayber ng trak sa antok.
May humahabi ng villanelle sa isang basement.
Kinakamot ng asong itim ang lupang malambot.
May paslit na nagbibilang ng maryakapra.
Pero wala ito sa eksena. Hindi ko ito maalala.
Lumabong bigla ang paningin ko. Ewan.
Kinusot ko na lang. Baka may makahalata.
Lahat daw tayo ay bahagi ng mga piraso.
Mga mumunting piraso na bahagi ng sanlibutan.
May natira pa yatang mga piraso niya sa akin.
Tumutubo iyon araw-araw. Hindi niya iyon alam.
Tumingala ako sa kalangitan at bumulong ako.
Sa mga anghel, pakisabi sa kanya, naghintay ako dito.
Naghintay ako dito. Naghintay ako. Pakiusap, pakisabi.
Niyuko ko ang aking mga sapatos: alin ba dapat ang iuuna.
Paghakbang ko, nagsimula akong maghiwa-hiwalay.
Tulad ng unti-unting pagkalagas ng mga bahagi ng tuyong dahon.
Sa pagsapit ng hindi mabilang na mga dapithapon.
Una, ang pisngi; pangalawa, ang mga kamay; at ngayon ang memorya.
At bigla ko itong naintindihan. Ako'y alaala lang na kanyang kinapitan.
Ngayon ay sinisimulan na niyang bitiwan. Walang pangamba.
Binuksan na niyang ganap ang kanyang mga palad.
Gusto kong magalit sa kanya. Gusto kong ibuhos ang lahat ng naipon.
Sa loob. Magmanikluhod sa nakakandado nang pinto. Pero huli na.
Natutunaw ang huli kong bakas sa dalayrayan ng liwanag.
At hindi ko alam kung saan ko siya matatagpuan.